Sa patuloy na pagtaas ng bilang ng kaso ng leptospirosis sa Metro Manila at iba pang karatig rehiyon sa Luzon buhat sa naranasang mga pagbaha dulot ng malalakas na ulan dala ng habagat nitong mga nakalipas na linggo, pinagana na ng Department of Health (DOH) ang Leptospirosis Fast Lane nito sa mga ospital na pinamamahalaan ng ahensya.
Ayon sa DOH, 33 DOH Hospitals sa National Capital Region at sa apat na rehiyon sa Luzon ang nag-activate na ng kanilang Leptospirosis Fast Lane upang kaagad matugunan ang pagdami ng kaso ng sakit.
Sa panayam ng Radyo Pilipinas World Service kay Dr. Bernadett Pua Velasco, Director IV ng Health Emergency Management Bureau ng DOH, ipinaliwanag nito kung ano ang sistema sa paggamit ng “fast lane” para sa may mga kaso ng leptospirosis.
Aniya, kung mild lamang ang sintomas ng isang pasyente at kailangan lamang ng konsultasyon, bibigyan na ito ng reseta, gamot at agad na itong makauuwi. Samantala, kung kailangan namang i-admit ang pasyente, mayroon nang available na mga kagamitan, tauhan na aasiste sa kanila, maging ward para hindi na magtatagal ang mga ito sa emergency room.
Ibinahagi rin Dr. Velasco na nagbukas na rin ang ibang mga pribadong ospital at mga lokal na ospital sa mga bayan ng kanilang mga fast lane sa kanilang pasilidad upang makatulong sa iba pang mga pasyente.
Dagdag pa ng opisyal, bukod sa leptospirosis ay binabantayan din nila ang iba pang food and water born diseases maging ang kaso ng dengue kaya nananawagan sila sa mga mamamayan na panatilihing malinis ang kapaligiran at maging responsable sa pagtatapon ng basura upang makaiwas sa mga sakit.