Palalawakin pa ng UP Resilience Institute-NOAH Center ang operational research nito para sa science at evidence-based na pagtugon sa problema ng pagbaha at iba pang kalamidad sa bansa.
Kasunod ito ng inilaang ₱1-B pondo ng DBM para sa pag-upgrade ng Project NOAH (Nationwide Operational Assessment of Hazards).
Ngayong araw, inilatag ni UPRI Executive Director Dr. Mahar Lagmay ang utilization plan ng pondo na nakatuon sa pagpapalakas ng flood management, disaster risk reduction at climate resilience.
Kabilang dito ang high-resolution mapping ng mga pangunahing river basin, suporta sa Oplan Kontra Baha, simulation ng malalaking detention basin, at LiDAR drone surveys katuwang ang state colleges and universities.
Maglalaan din ng pondo para sa pagsusuri sa soil erosion at sediment delivery, pagtukoy sa mga hidden waterways at drainage paths, at pagpapatupad ng nature-based solutions tulad ng watershed rehabilitation.
Gagamitin din ang artificial intelligence at advanced analytics sa pagbuo ng decision-support tools para sa land-use at infrastructure planning.
Ayon kay Lagmay, mahalagang maunawaan muna nang mabuti ang problema upang makapaglatag ng angkop na solusyon. “We cannot find solutions if we do not understand the problem. Once you understand the problem with better science, with better technology, you can find appropriate solutions,” ani Lagmay.
Samantala, sinabi ni UP President Angelo Jimenez na pagkakataon ang ₱1-bilyong alokasyon para higit pang palakasin ang mga sistemang napatunayang kapaki-pakinabang sa komunidad kabilang ang hazard mapping, flood intelligence, disaster education at technical assistance.