Sang-ayon ang Malacañang na hindi pa angkop gamitin ang mga salitang mastermind at scam laban sa isang partikular na tao. Kabilang na dito si Vice President Sara Duterte, lalo’t wala pang pinal na desisyon at sapat na ebidensya kaugnay ng usapin sa confidential funds ng Office of the Vice President (OVP).
Pahayag ito ni Communications Usec Claire Castro makaraang tanungin kaugnay sa mga terminong ipinupukol sa paghawak ni VP Sara sa pondo ng OVP.
Ayon sa opisyal, general o pangkalahatang termino lamang ang sarilitang mastermind.
Bilang isang abogado aniya, hindi ito magandang gamitin upang maipahatid ang mensahe sa isang taong inaakusahan pa lamang.
Binigyang-diin din ng Palasyo na saka lamang magiging angkop ang paggamit ng salitang scam, sa oras na napatunayan na ito, sa pamamagitan ng pinal na desisyon at sapat na ebidensya na nagkaroon nga ng panloloko at paglustay sa pondo ng mga Pilipino. | ulat ni Racquel Bayan