Binatikos ng House prosecution panel ang Office of the Vice President (OVP) ng pang gagaslight matapos nitong idahilan na ang huling paglabas ng pondo kaya mabilis na pagkaubos ng ₱125 milyong confidential funds sa loob lamang ng 11 araw noong December 2022.
Ayon kay House trial spokesperson Zia Alonto Adiong, hindi maaaring maghugas-kamay ang kampo ni Vice President Sara Duterte at ipasa ang sisi sa Office of the President dahil lamang sa late release.
Binigyang-diin ni Adiong na ibinigay ang pondo nang malinis ang hangarin at walang alinmang patakaran ang nag-aatas sa OVP na ubusin ito bago matapos ang 2022.
Sa halip na gumawa ng idahilan, iginit ng mambabatas na mas mahalagang maglabas ang Bise Presidente ng malinaw at maayos na liquidation report ukol sa paggastos ng pondo.
Nabatid na nakalaan ang ₱125 milyon para sa Physical and Financial Plan ng OVP sa huling tatlong buwan ng 2022, ngunit naibaba ito noong December at umano’y naubos sa pagitan ng December 21 hanggang 31.
Samantala, kinuwestiyon din ni House Lead Prosecutor Gerville Luistro ang pahayag ni Assistant Chief-of-Staff Lemuel Ortonio tungkol sa umano’y ₱150,000 na sariling abono nito. Paalala ni Luistro, batay mismo sa umiiral na mga alituntunin, mahigpit na ipinagbabawal ang paggamit ng confidential funds para sa reimbursement. | ulat ni Melany Reyes