Tiniyak ni Public Works and Highways Secretary Vince Dizon kay Parañaque City 2nd District Representative Brian Yamsuan na nakalinya na ang mga water detention facility at iba pang mga proyekto laban sa malalang pagbaha sa lungsod bilang bahagi ng mas malawak na flood management program ng pamahalaan para sa Metro Manila.
Bukod dito, nakuha rin ni Yamsuan ang kompromiso mula kay Dizon na tuloy na sa wakas ang pagpapatupad nang naantalang Parañaque Spillway Project.
Nagpahayag ng pangamba ang mambabatas na kapag natapos ang mga proyektong pinondohan ng Japan International Cooperation Agency (JICA)—tulad ng Manggahan Control Gate Structure sa Marikina—maaaring maipon ang napakalaking dami ng tubig-baha patungong Laguna De Bay at magpalala ng baha sa Parañaque at karatig-lugar.
Ito ang inihayag ni Yamsuan sa ginanap na pagdinig ng House Committee on Appropriations ukol sa panukalang 2027 badyet ng DPWH.
Ayon kay Dizon, mismong si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang nag-utos sa DPWH na unahin at simulan na ang pagtatayo ng spillway.
Inamin ng DPWH chief na bagama’t patuloy ang pag-dredge at paglilinis sa mga daluyan ng tubig, hindi na ito sapat sa matinding pagbaha sa Metro Manila.
Dahil dito, kinakailangan na umano ang mga malikhaing solusyon tulad ng underground water detention basins sa ilalim ng mga bakanteng lote, parke, at pribadong pasilidad tulad ng ginagawa sa Japan. | ulat ni Melany Reyes