Inaabisuhan ang mga Pilipino sa Estados Unidos na kumonsulta sa US Immigration lawyer lalo na sa mga may concern sa kanilang Immigration status dahil naglabas ng bagong visa policy ang Amerika.
Ayon sa embahada ng Pilipinas sa US, nagsimula nang mag-review ng B1/B2 o Business at Tourist Visa ang Department of State para sa nga foreign nationals na nag-apply ng asylum. Inaasahan na may mga visa na mare-revoke o babawiin dahil sa ginagawang proseso.
Payo naman ng Department of Foreign Affairs (DFA) kumuha ng accredited US Immigration lawyer lalo na at US authorities ang nagdedesisyon hinggil sa visa depende sa indibidwal na status ng foreign nationals.
Matatandaan na sinabi na rin ng US State Department na nakikipagtulungan ito sa Department of Homeland Security para tukuyin at bawiin ang visa ng mga nagsimula sa temporary visitor visa pero nag-apply ng asylum upang tuluyan nang manirahan sa bansa.
Ayon naman sa White House, inaasahang nasa 200,000 visa ang mare-revoke o babawiin dahil sa bagong polisiya.