Inendorso na sa plenaryo ng senado ang panukalang magtatakda ng edad na 16 bilang minimum age para magkaroon ng social media account.
Ito ay matapos ma-sponsor ni Senate Committee on Public Information Chairman Senador Robin Padilla ang Senate Bill 2424 o ang panukalang Child Online Safety and Protection Act.
Layunin ng panukala na protektahan ang mga bata laban sa cyberbullying, online exploitation, harmful content at iba pang panganib sa internet.
Inaatasan nito ang social media platforms na magpatupad ng age-assurance systems para mapigilan ang mga wala pang 16 years old na gumawa o magpanatili ng account.
Hindi saklaw ang mga platform na sertipikado para sa edukasyon, email, private messaging apps at serbisyong hindi pangunahing nakatuon sa social networking.
Inaatasan din ang mga social media company na magkaroon ng lokal na kinatawan at tanggapan sa Pilipinas. Samantala, hinihikayat ang mga magulang na gabayan ang kanilang mga anak, habang pinoprotektahan ang kanilang personal na impormasyon alinsunod sa Data Privacy Act.
Binigyang-diin ni Padilla ang lumalaking panganib online, kabilang ang cyberbullying, online sexual exploitation at harmful content.
Bukas naman siya sa karagdagang pagsusuri at amendments sa panukala. | ulat ni Nimfa Asuncion