Ginawaran ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM) si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ng Doctor of Laws, Honoris Causa, ito ang pinakamataas na honorary degree na ipinagkakaloob ng unibersidad.
Ginanap ang pagkilalang ito sa ika-58 Commencement Exercises ng PLM, sa Philippine International Convention Center (PICC), sa Pasay City, August 27.
“Today, I stand before you, humbled as the Pamantasan ng Lungsod ng Maynila confers upon me the degree of Doctor of Laws, Honoris Causa—its highest honorary degree,” pahayag ng Pangulong Marcos.
Sinabi ng Pangulo na tinatanggap din niya ang responsibilidad na kabalikat ng pagkilalang ito.
“I receive this honor with gratitude, mindful of the responsibility that comes with it,” pasalamat ni Pangulong Marcos.
Dagdag pa ng Pangulo na ang pagkilalang ito ay nagpapakita ng pagkakapareho ng paninindigan ng kaniyang administrasyon at ng PLM na mahalaga ang edukasyon bilang daan tungo sa oportunidad, pag-unlad, at pagtatayo ng bansa.
“And that, more than any degree or title bestowed today, is the standard to which I hold myself,” diin ng Pangulong Marcos.
Sinabi rin ng Pangulo na mayroong espesyal na lugar ang PLM sa kanyang pamilya dahil minsang nagturo sa College of Law ng unibersidad si First Lady Louise Araneta-Marcos.
Ayon sa Pangulo, sa mga taon ng pagtuturo ng First Lady sa PLM, nakita ng kanilang pamilya ang dedikasyon ng unibersidad sa paghahanda ng mga susunod na henerasyon ng mga Pilipinong propesyonal.
“I therefore accept this recognition with a renewed commitment to uphold the values that this university has long championed: Karunungan, Kaunlaran, Kadakilaan, Wisdom, Progress and Greatness,” tugon ng Pangulong Marcos.