Mas pinalalakas na ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang mga hakbang nito upang mas maitaas ang antas ng seguridad sa mga paaralan, upang maiwasan na ang anumang pag-ulit sa ano mang akto ng karahasan.
Ayon mismo kay DILG Secretary Jonvic Remulla, isa sa mga itinutulak nila ngayon katuwang ang Department of Education (DepEd) ay ang pagpapahintulot sa mga barangay tanod na magsagawa ng inspeksiyon sa loob ng mga paaralan kasunod ng mga insidente ng school shooting.
Hakbang umano ito upang mapalakas pa ang seguridad sa mga paaralan kabilang na ang pagpapatupad ng constant police visibility at pagbibigay ng police assistance, sa oras ng pagpasok at uwian ng mga estudyante.
Pinag-aaralan na rin ng kagawaran ang posibilidad ng pag-check sa mga bahay na may mga legal at lisensiyadong baril, para matiyak na maayos at ligtas ang kanilang pag-iingat at paghawak sa mga armas sa loob mismo ng kanilang tahanan.
Nangangahulugan ito na mas magiging maigting na ang pag-check sa gamit ng mga bata upang matiyak na walang anomang armas o anomang gamit na magagamit sa karahasan ang maipupuslit sa loob ng mga paaralan.