Iniimbestigahan ngayon ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang nasa mahigit 200 dati at kasalukuyang opisyal gayundin ang mga tauhan ng Bureau of Fire Protection (BFP) na posibleng sangkot sa ‘slot for sale’ scheme.
Ito’y makaraang maaresto ang isang BFP personnel sa Pampanga noong August 24 na nanghihingi ng pera para makapagpasok ng mga aplikante sa BFP.
Magugunitang ininguso ng naarestong tauhan ng BFP ang isang senior officer nito na siyang nasa likod ng naturang modus.
Sa pulong balitaan sa kampo Crame ngayong umaga, sinabi ni Remulla na Deputy Regional Director for Administration sa Region 4 A ang naturang senior officer na kasabwat ng naarestong BFP personnel at ngayo’y inilagay na sa restricted duty.
Kaya naman saklaw ng imbestigasyon ayon sa kalihim ang lahat ng Regional Directors ng BFP gayundin ang mga head ng major unit nito.
Nabatid na naglalaro sa ₱100,000 hanggang ₱800,000 ang kinukulimbat ng mga kawatan sa kanilang mga biktimang aplikante sa ‘slot for sale’ scheme.