Sinabi ng Malacañang nitong Huwebes na tumutugon ang Facebook sa mga kahilingan ng pamahalaan na alisin ang fake news at marahas na content sa platform, kabilang ang mga post na kailangang agad i-take down.
Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, positibong senyales ang pagtugon ng Facebook, lalo na sa gitna ng pangamba sa epekto ng mapaminsalang online content sa mga kabataan.
Nilinaw naman ni Castro na ang pagiging bukas ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa posibilidad ng mas malawak na regulasyon sa social media ay hindi nangangahulugang balak ng administrasyon na ipagbawal ang mga platform na hindi agad tumutugon sa mga kahilingan ng gobyerno. Sa halip, patuloy aniyang makikipag-ugnayan ang pamahalaan sa mga social media platform upang mapigilan ang pagkalat ng maling impormasyon at marahas na content.
Hinimok din ng Palasyo ang iba pang online platforms, kabilang ang gaming apps, na makipagtulungan sa pamahalaan upang matugunan ang mga content na maaaring makasama sa mga kabataan. Sa ngayon, sinabi ni Castro na wala namang malaking problema ang gobyerno sa pagtugon ng Facebook sa mga kahilingan nitong alisin ang fake news at marahas na content.