Sa paggunita ng World Organ Donation Day, patuloy na isinusulong ng NKTI Human Organ Preservation Effort o HOPE ang kahalagahan ng organ donation para mabigyan ng panibagong pag-asa ang mga pasyenteng naghihintay ng transplant.
Ayon kay Dr. Anthony Russel Villanueva, Head ng NKTI HOPE, malaki pa rin ang kakulangan sa bilang ng organ donors sa bansa na umaabot lamang sa 10 hanggang 12 kada taon, kumpara sa mahigit 500 pasyenteng nangangailangan ng organ transplant.
Sa NKTI, higit 90% aniya ng mga naghihintay ng donor ay mga kidney patient na sumasailalim sa dialysis.
Kabilang sa mga hamon sa organ donation ang kakulangan sa kaalaman, pag-iral ng mga maling paniniwala, at ilang personal at religious beliefs.
Dahil dito, patuloy ang pakikipag-ugnayan ng NKTI HOPE sa Department of Health at Kongreso para sa mga panukalang mag-a-update sa umiiral na organ donation law at mapalawak ang kaalaman ng publiko tungkol dito.
Isa naman sa mga nabigyan ng panibagong pagkakataon ay si Erianne, na 10 taon nang namumuhay nang masaya at normal matapos makatanggap ng kidney transplant.
Ngayon, isa na siya sa mga advocate ng NKTI HOPE at umaasang mas marami pang Pilipino ang mahihikayat na maging organ donor.
Samantala, ibinahagi rin ni Rayniel ang karanasan ng kanilang pamilya matapos ideklarang brain dead noong 2024 ang kanyang inang si Alma.
Bagama’t napakahirap para sa kanila ang pagkawala ng ina, naging makabuluhan ito nang malaman nilang sa pamamagitan ng organ donation, tatlong pasyente ang nabigyan ng pagkakataong madugtungan ang kanilang buhay.