Ipagpapatuloy ng Philippine Coast Guard ngayong araw ang search and rescue operations sa bangkang de motor na lumubog kahapon sa bisinidad ng Sunken Church sa Mapanuepe Lake, Barangay Buhawen, San Marcelino, Zambales.
Sa pinakahuling report mula sa PCG, anim ang naitalang namatay, kabilang ang tatlong menor de edad at tatlong nasa hustong gulang; tatlo ang nawawala, habang apat ang nailigtas.
Sa kabuuan, 13 ang pasahero ng motorbanca na miyembro ng Aeta Indigenous Peoples community mula sa Sitio Lumibao at patungong community health center upang kumuha sana ng pagkain at gamot bilang bahagi ng vaccination program.
Sa initial report ng PCG, nakasagupa ng malakas na hangin at malalaking alon ang motorbanca kaya ito tuluyang tumaob.