Itinaas ng Marcos Administration ang panukalang pondo para sa Universal Access to Quality Tertiary Education o UAQTE Program sa ₱61.10 bilyon para sa 2027.
Ayon sa Department of Budget and Management o DBM, gagamitin ang pondo para sa libreng edukasyon sa State Universities and Colleges o SUCs at kwalipikadong Local Universities and Colleges, Tertiary Education Subsidy o TES, at libreng technical-vocational training sa mga pampublikong institusyon.
Sinabi ni DBM Acting Secretary Kim Robert C. De Leon na mahalagang puhunan ang edukasyon at skills development para sa pangmatagalang kompetisyon ng bansa.
Sa ilalim ng Republic Act 10931 o Universal Access to Quality Tertiary Education Act, maaaring makapag-aral nang walang tuition at iba pang school fees ang mga kwalipikadong estudyante sa SUCs at CHED-recognized LUCs para sa kanilang unang undergraduate degree, basta pasok sa mga itinakdang requirement.
Iginiit naman ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na hindi dapat maging hadlang ang kakulangan sa pera sa mga Pilipinong nais makapagpatuloy sa higher education at technical-vocational training.