Photo courtesy | Iranian President Masoud Pezeshkian / Facebook
Mas tumitindi ang diplomatikong pagsisikap na muling buksan ang Strait of Hormuz para sa normal na paglalayag habang naghahanap ng paraan ang Iran at mga bansang namamagitan upang mapahupa ang tensyon sa rehiyon.
Ito’y matapos pumayag ang Iran na bumuo ng listahan ng mga kondisyon upang maibalik ang regular na daloy ng mga barko sa mahalagang rutang pandagat.
Nakipagpulong naman si Qatari Prime Minister at Foreign Minister Sheikh Mohammed bin Abdulrahman Al Thani sa mga opisyal ng Iran upang himukin ang Tehran na igalang ang kalayaan sa paglalayag.
Matatandaang ang Qatar at Pakistan ang tumulong sa pagbuo ng kasunduan noong Hunyo na nagbigay-daan sa tigil-putukan at nagtakda ng mga patakaran para sa paglalayag sa Strait of Hormuz.
Kasabay nito, nakikipagtulungan ang Iran sa Oman para sa posibilidad ng pansamantalang shipping corridor.
Mahalaga ang Strait of Hormuz sa pandaigdigang kalakalan dahil malaking bahagi ng suplay ng langis sa mundo ang dumaraan dito.
Gayunman, nananatiling mababa ang aktuwal na bilang ng mga barkong bumibiyahe sa lugar kaya naman patuloy ang negosasyon upang matiyak ang ligtas at tuloy-tuloy na paglalayag.