Umaasa si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ng isang mapayapa at makabuluyang paggunita ng Undas para sa lahat ng mga Pilipinong bibiyahe at bibisita sa mga sementeryo ngayong Undas.
“Tiniyak natin na bawat sementeryo at kolumbaryo ay may pulis upang siguruhin ang kaligtasan at kaayusan. Ang Bureau of Fire Protection ay may nakahandang rumesponde kung sakaling magkaroon ng insidente.” – Pangulong Marcos.
Ayon sa Pangulo, nitong mga nakaraang araw, puspusan ang naging pagahahanda ng iba’t ibang tanggapan ng gobyerno, upang masiguro ang kaligtasan, kalusugan, seguridad, at mabilis na pagtugon sa anomang emergency para sa Undas.
“Nakaalerto ang ating mga ospital at health emergency teams. Patuloy rin ang koordinasyon ng mga ahensya ng pamahalaan at lokal na pamahalaan upang mabilis na makatugon sa anumang insidente. ” – Pangulong Marcos.
Ang payo ng Pangulo sa publiko, planuhing mabuti ang biyahe, alamin ang abiso sa mga rutang dadaanan, maging maagap sa pagbili o pagpapa-reserve ng ticket, at maagang magtungo sa mga pantalan o terminal.
“Sa Metro Manila, mahigit 2,000 tauhan ng MMDA ang itatalaga upang tumulong sa pamamahala ng trapiko, lalo na sa mga lugar na malapit sa mga sementeryo.” – Pangulong Marcos.
Nagpaalala rin ang Pangulo sa publiko na sundin ang mga patakaran sa sementeryo, mag-ingat sa pagsindi ng mga kadila, at sumunod at makipagtulungan sa mga otoridad.
“Bukas ang linya ng inyong mga lingkod sa pamahalaan upang alalayan kayo. Nariyan ang 911 para sa mga emergency at ang mga official page ng DOT, DPWH, DOH, MMDA, PNP at BFP para ipakalat ang mahahalagang impormasyon. Ang Undas ay panahon ng paggunita at pag-alala sa ating mga mahal sa buhay. Nawa’y maging payapa at makabuluhan ang pagdalaw ng bawat pamilyang Pilipino.” – Pangulong Marcos.
Sila aniya sa pamahalaan, kaliwa’t kanang inspeksyon ang ginawa sa mga sementeryo, terminal, simbahan, at iba pang lugar na dadayuhin ng publiko, upang masiguro ang mabilis na pagtugon sa anomang pangangailangan o insidente.
“Para sa mga kababayan nating lilipad papasok o palabas ng bansa, tinitiyak natin na sapat ang tao at walang bakanteng immigration counter mula October 30 hanggang November 3. Paiigtingin din ang paggamit ng mga digital system kagaya ng eGates upang mas mapabilis ang pagpila. Kasabay ng pagdagsa ng mga pasahero, magkakaroon ng round-the-clock help desk ang mga pangunahing terminal mula October 29 hanggang November 3 upang umalalay sa mga biyahero.” – Pangulong Marcos.