Nanawagan ang grupo ng mga negosyante at civil society sa Kongreso na tiyaking malinis at walang anumang “singit” o unprogrammed budget insertions ang panukalang 2027 national budget.
Babala ng mga grupo, kailangang siguruhin ng mga mambabatas na walang makakalusot na pondong walang sapat na technical justification upang maiwasan ang “ghost projects” at sub-standard na mga proyekto sa pambansang badyet.
Partikular na pinuna ng koalisyon ang higit ₱180 bilyon na diumano’y idinagdag sa panukalang badyet ng Department of Public Works and Highways o DPWH — ang ahensyang kasalukuyang nasa gitna ng kontrobersya ukol sa mga flood control project.
Sa kanilang inilabas na joint statement, iginiit ng mga grupo na ang pagbibigay ng pondo sa mga kaduda-dudang insertions kapalit ng mga lehitimong imprastraktura at programang pangkalusugan ay maaaring magbukas muli ng panibagong iskandalo ng korapsyon.
Diin ng mga grupo, hindi na dapat maulit pa sa 2027 budget ang ganitong klaseng sistema sa pamahalaan.