Kinikilala ng Radyo Magasin ang husay ng mga manunulat na Pilipino sa paglikha ng mga makabuluhan at makukulay na kuwentong pambata.
Isa na nga rito ang manunulat na si Patrick Oyardo Opeña na kasalukuyang nagtuturo ng Mathematics sa middle school sa United States. Nagtapos din siya ng Bachelor of Secondary Education major in Mathematics, Master of Education in Administration at Supervision, at Doctor of Philosophy in Educational Management.

Nakapanayam ng programang School On-the-Air si Opeña matapos manalo ang kaniyang isinulat na librong “Ang Lumang Aklat ni Lolo” bilang Best Book in Children’s Category sa 20th Cardinal Sin Catholic Book Awards.
Kamakailan din sa katatapos na Catholic Mass Media Awards, nagwagi ang kaniyang libro na “Ang Tatay Kong All Around” bilang Best Children’s Short Story.

Ayon kay Opeña, layunin ng mga kuwentong pambata na kaniyang isinusulat na gumawa ng simpleng istorya para sa mga bata, habang nabibigyan din ng malalim na pang-unawa ang mga matatanda tungkol sa kahulugan ng buhay.
Karamihan sa mga librong ito ay nagpapamalas ng pagpapahalaga sa pamilya at sa payak na pamumuhay ng batang Pilipino.

Kaugnay nito, nanawagan si Opeña sa publiko na tangkilikin ang mga librong sariling atin at mahalin ang pagbabasa dahil ito ay makatutulong para mas lumawak ang kaalaman.
Nagbigay din siya ng paalala sa lahat ng mga nangangarap na maging ganap na manunulat. Aniya, mahalagang alamin ang sariling pagkakakilanlan at paraan ng pagsulat upang makabuo ng mga kuwentong maaaring magbigay ng katuparan sa iyong pangarap.