Kinuwestiyon ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. ang pahayag ng China na umano’y minamaliit o pinahihina ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) ang papel nito sa diyalogo at sa mga proseso ng regional bloc.
Sa isang press conference kasunod ng ASEAN Defense Ministers’ Meeting-Plus (ADMM-Plus) nitong Huwebes, sinabi ni Teodoro na ang mga miyembro lamang ng ASEAN ang may karapatang magtakda kung paano ilalarawan ang mga proseso at usapin sa loob ng organisasyon.
Ayon kay Teodoro, hindi naman niya nakikitang ganoon ang pananaw ng mga bansang kasapi ng ASEAN hinggil sa umano’y pagmamaliit sa China.
“So far as ASEAN is concerned, I do not believe our ASEAN member countries feel that way. If not, they would have let me know,” ani Teodoro.
Binigyang-diin ng kalihim na ang mga miyembro ng ASEAN ang dapat magsalita para sa organisasyon sa halip na ibang bansa ang magtakda kung paano dapat unawain ang mga proseso nito.
Wala namang karagdagang detalye sa pahayag hinggil sa partikular na aksiyon o hakbang na tinutukoy ng China sa alegasyong pinahihina ng ASEAN ang papel nito sa diyalogo.