Inanunsyo ng Department of Tourism (DOT) na pinahihintulutan na ang paggamit ng professional cameras sa loob ng Intramuros sa Lungsod ng Maynila kahit walang kaukulang permit.
Kailangan lamang na sundin ang mga alituntunin ng Intramuros Administration (IA) hinggil sa pagkuha ng mga larawan, katulad ng mahigpit na pagbabawal ng paggamit ng flash upang mapreserba ang mga istruktura at kagamitan sa loob ng mga museo ng tinaguriang Walled City.

Kaugnay nito, hinihikayat ng DOT ang mga litratista na bisitahin ang Intramuros upang maisulong ang turismo sa bansa sa pamamagitan ng lente ng kanilang camera.
“The initiative, led by the Intramuros Administration in partnership with CameraHaus, aims to make heritage photography more accessible and encourage photographers to share the stories of Intramuros through their lenses,” ayon sa pahayag.
Dagdag pa ng ahensya, magandang oportunidad ito upang maitampok ang kultura at kuwento ng kasaysayan sa bawat sulok ng Intramuros.
Samantala, nilinaw ng DOT na ang mga commercial shoot o malalaking produksyon na isasagawa sa loob ng Intramuros ay nangangailangan pa rin ng permit mula sa pamunuan ng IA.