Inihayag ni House Trial Spokesperson na si Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong na kailangan pa ring ipaliwanag ni Vice President Sara Duterte ang mahigit ₱463 milyong halaga ng umano’y hindi maipaliwanag na kayamanan.
Ayon kay Adiong, ito ay kahit pa alisin ang mga halagang nakakabit sa mga kumpanya nila ng kanyang asawa.
Sinabi ni Adiong na mananatiling malaki ang halaga ng mga nakuhang ebidensya ng prosecution kahit hindi isama sa computation ang mga pinagtatalunang ari-arian at kita ng mga korporasyon.
Batay sa pagsusuri ng forensic accounting expert na si Alexander Cabrera sa mga pinansyal na dokumento mula 2022 hanggang 2025, umabot sa kabuuang ₱463,046,459 ang halagang kailangang ipaliwanag ng Bise Presidente.
Ang naturang halaga ay bahagi ng orihinal na ₱817.87 milyong tinatayang undeclared assets at unexplained wealth nina VP Sara at ng kanyang asawa.
Binigyang-diin ni Alonto Adiong na bilang isang pampublikong opisyal, tungkulin ni VP Sara na buong tapat na ideklara ang kanyang mga ari-arian at ipaliwanag ang pinagmulan ng mga ito.