UCC Atty. Castro
Kailangan munang makita ng Malacañang ang mga pagbabago na planong ipatupad ng Commission on Audit (COA) sa mga alituntunin sa paggamit ng Confidential at Intelligence (CIF).
Pahayag ito ni Communications Usec. Claire Castro nang tanungin kung paano makakaapekto sa intel gathering ng pamahalaan ang plano na ito ng COA.
Ayon kay Castro, wala pa silang natatanggap na proposal tungkol dito kaya hindi pa maka-komento ang Palasyo.
“I-adjust muna po nila kasi hindi po natin alam kung anong probisyon doon ang kanilang aamyendahan at sa ngayon po sabi nga natin kung ano iyong umiiral na rules ay dapat po na iyan ang sundin pero sabi nga natin kung ikaw naman din ay honest sa iyong liquidation report hindi naman po talaga masyadong problema kung dapat ay iniisa-isa ang probisyon para hindi ka makagawa ng anomalya.” —Castro.
Kaugnay nito, iginiit ng opisyal na malinaw ang nakasaad sa MC 2015-01 tungkol sa paggamit ng CIF.
Kung susundin lamang kasi aniya ang batas, wala naman dapat problema sa paggastos nito.
Ang nagiging problema lamang aniya, kapag mayroong mga nagpapaikot ng batas para gamitin ito sa pansariling interes.
“Nasa tao po minsan. Kapag talagang ikaw ay nag-iisip na gumawa ng anomalya iikutan at iikutan mo ang batas at rules, so, iyon ang dapat na maiwasan. Kung totoo kang honest na lider at ikaw ay sumasalamin sa Bagong Pilipino hindi mahirap sundin ang bawat rules kahit na ito ay simple lang.” —Castro.