Iniimbestigahan at mahigpit na minamanmanan ng Philippine National Police (PNP) ang mga grupo ng online groomer na umano’y nanghihikayat sa mga kabataan na gumawa ng karahasan.
Ayon kay PNP Chief, Police Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., inatasan na niya ang mga kinauukulang yunit ng Pulisya na makipag-ugnayan sa mga ahensya ng pamahalaan kaugnay ng online threats na maaaring makaapekto sa mga menor-de-edad.
Ipinag-utos din ng PNP Chief ang pagpapaigting ng mga hakbang para protektahan ang mga bata laban sa kriminal na aktibidad salig sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Sinabi ni Nartatez na hindi lamang sa mga kalsada at komunidad makikita’t mararamdaman ang PNP kundi maging sa cyberspace para protektahan ang publiko partikular na ang mga kabataan.
Nauna nang iniulat ng mga awtoridad na tina-target ng mga groomer ang mga menor de edad at tinuturuan ang mga ito ng mararahas na pag-uugali.
Ayon sa mga ulat, kabilang sa grupo ang mga miyembro mula sa ibang bansa, bagama’t karamihan umano sa kanila ay mga Pilipino.