Isinusulong sa Kamara ang mabilis na pagpasa sa House Bill No. 10848 na naglalayong ipagbawal ang pag-aangkat at pagbebenta sa Pilipinas ng mga produktong ginawa sa pamamagitan ng forced labor.
Ayon kay Albay 3rd District Rep. Raymond Adrian E. Salceda, may-akda ng panukala, higit ito sa sa usapin ng kalakalan at taripa.
Layon ng HB na pangalagaan ang karangalan ng tao at isulong ang patas na pagtrato sa mga manggagawa.
Ang panukala ay kasunod ng naging pasya ng Office of the United States Trade Representative (USTR) noong Hunyo 2026, kung saan pinarusahan ang Pilipinas at iba pang bansa ng karagdagang 12.5 porsiyentong taripa sa mga produkto nito dahil sa kawalan ng malinaw na patakaran laban sa forced labor goods.
Bagama’t naglabas na ng mekanismo ang Malacañang para mag-imbestiga sa mga kaduda-dudang imported goods, binigyang-diin ni Salceda na kailangan ng isang ganap na batas upang magkaroon ng matatag at permanenteng legal na batayan.
Makatutulong din umano ang panukalang batas upang protektahan ang mga lokal na negosyo at manggagawang Pilipino laban sa hindi patas na kompetisyon sa merkado. | ulat ni Melany Reyes