Palalakasin pa ng National Youth Commission (NYC) ang pagbibigay ng mental health support at mga programa laban sa bullying para sa mga kabataan, kasunod ng mga insidente ng school violence.
Ayon kay NYC Chair Undersecretary Jeff Ortega, kabilang sa kanilang mga hakbang ang pagpapalakas ng Mental Health Youth Hub at pagpapakalat ng mga peer support facilitator, kabilang sa Zamboanga.
Layunin nitong mabigyan ng agarang psychosocial support ang mga kabataang nakararanas ng stress, trauma, at iba pang epekto ng school violence.
Inihayag din ni Ortega, na inaprubahan na ng Department of Budget and Management (DBM) ang kanilang panukalang Anti-Bullying Summit para sa susunod na taon.
Dito tatalakayin ang mga hakbang upang maiwasan ang bullying at mapalakas ang proteksyon at mental health support para sa mga kabataan.