Muling ipinaalala ni House Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III na ang National Heroes Day ay hindi lamang isang simpleng paggunita, kundi isang mahalagang paalala sa pagkakakilanlan at pananagutan ng bawat Pilipino sa bayan.
Sa kanyang mensahe para sa National Heroes Day ngayong araw, binigyang-diin ng House leader na ang totoong pamana ng mga bayani ay ang sakripisyo sa bayan, kapwa, at susunod na henerasyon.
Ayon kay Speaker Dy, sa gitna ng mabilis na pagbabago sa mundo, mahalagang maibalik ang katapatan, paggalang, malasakit, tapang na panindigan ang tama, at pagmamahal sa bansa.
Dagdag pa ng House Speaker, ang isang matatag at maunlad na Pilipinas ay hindi lamang itinatanim ng mga lider, kundi itinatatag ng bawat mamamayang may tunay na malasakit at paninindigan.
Hinimok din nito ang sambayanan na pagnilayan ang sakripisyo ng mga bayani ng nakaraan at isabuhay ang pagmamahal sa bayan upang lalo pang patatagin ang Pilipinas na kanilang ipinaglaban.