Ngayong araw ang ika-20 pagdinig sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte sa Senado.
Inaasahang sasalang sa witness stand ang dalawang opisyal ng Armed Forces of the Philippines (AFP) upang tumestigo kaugnay ng kontrobersyal na ₱112.5 milyong Confidential Funds ng Department of Education (DepEd).
Nakatakdang humarap sina Col. Manaros Boransing II at Col. Magtangol Panopio sa Senate Impeachment Court. Tatalakayin sa kanilang pagtestigo ang mga military certifications na ginamit umano ng DepEd bilang tugon sa mga natuklasan ng Commission on Audit (COA).
Ang mga sertipikasyon ay iniuugnay ng prosekusyon sa mga aktibidad tulad ng Youth Leadership Summits (YLS).
Nauna nang pinasinungalingan ng ilang opisyal ng militar sa imbestigasyon ng Kamara na natanggap ng kani-kanilang mga yunit ang pondong ito mula sa DepEd.
Posibleng sumalang din ngayong araw ang dating chief of staff at tagapagsalita ni Duterte na ngayon ay kanyang defense lawyer, sakaling hindi makarating ang mga nakatakdang opisyal ng militar.