LUNGSOD NG MAKATI, 1 Setyembre 2026— Mas pinaigting ng Department of Education (DepEd) ang kampanya nito laban sa bullying, pisikal na pananakit, at pananakot sa mga campus sa pamamagitan ng pagpapatupad ng istriktong parusa, kabilang ang non-readmission, agarang pagkatanggal sa paaralan, at mandatory referral sa mga awtoridad para sa mga mag-aaral na may seryosong paglabag.
Nakapaloob ang mga pinag-isang protocol para sa proteksyon ng mga mag-aaral sa DepEd Order No. 006, s. 2026, o ang Guidelines on Ensuring a Safe and Motivating Learning Environment (ESMLE).
Ayon sa DepEd, isinasagawa ang kampanyang ito sa pakikipagtulungan sa mga katuwang na ahensya, local government units (LGUs), pulisya, at mga lokal na komunidad.
“Nais natin magbigay ng pagkakataon para magbago ang ating mga mag-aaral, ngunit hindi natin kailanman ikukumpromiso ang kaligtasan ng nakararami. Ang paaralan ay dapat maging ligtas at tahimik na lugar para sa lahat,” pahayag ni Education Secretary Sonny Angara.
Sa ilalim ng polisiya, agad na aaksyon ang iba’t ibang ahensya kapag may naitalang seryosong paglabag. Direktang makikipag-ugnayan ang pamunuan ng paaralan sa Philippine National Police (PNP), Department of Social Welfare and Development (DSWD), LGUs, at mga komunidad upang tugunan ang mga banta sa kaligtasan, sa loob man ng paaralan o sa internet.
Sa sandaling may maipagbigay-alam na insidente ng bullying o banta sa seguridad, agad itong iimbestigahan ng Child Protection Committee ng paaralan upang tiyakin ang kaligtasan ng biktima at magkaloob ng psychosocial at mental health support. Nagtakda rin ang DepEd ng mga kaukulang parusa batay sa antas ng paglabag.
Sa First-level o minor infractions, ipapataw ang nakasulat na reprimand, pag-abiso sa mga magulang, at guidance counseling. Sa Second-level o serious offenses tulad ng paulit-ulit na bullying at online harassment, magkakaroon ng suspension na hanggang limang araw at mandatory referral sa DSWD sa unang paglabag, non-readmission sa ikalawa, at direktang exclusion sa ikatlo.
Sa Third-level o high-risk acts tulad ng matinding pisikal na pananakit, bomb threat, o mapanganib na hoaxes, agad na ipatutupad ang non-readmission sa unang paglabag, permanenteng exclusion sa ikalawa, at pormal na pagpasa ng kaso sa mga awtoridad.
May kapangyarihan din ang mga school head na magpataw ng 30-day preventive suspension habang isinasagawa ang imbestigasyon kung ang mag-aaral ay nagdudulot ng patuloy na banta sa kaligtasan ng campus.
Para sa mga insidente ng bullying, mas direkta ang proseso. Para sa mga hudyat ng bullying, ang mga guro ang direktang humahawak at nagreresolba nito. Sa mga Second-level offense na nakapipinsala sa ibang mag-aaral at stakeholders, mamamagitan ang Learner Formation Officer at magbibigay ng rekomendasyon sa school head, depende sa sitwasyon. Ang mga Third-level offense ay ireresolba ng School Head, na siya ring magpapataw ng kaukulang disiplinaryong hakbang. Sa lahat ng antas, inaabisuhan ang mga magulang ng mag-aaral na lumabag.
Bukod sa mga administratibong parusa, binigyang-diin ng DepEd na ang pag-refer sa mga panlabas na awtoridad ay maaaring humantong sa potensyal na pananagutang kriminal o custody intervention, depende sa bigat ng kanilang nagawang pagkakamali.
Nagbabala si Secretary Angara na mahigpit na ipatutupad ng Kagawaran ang zero tolerance policy laban sa anumang anyo ng kaguluhan at karahasan.
“Kung ang isang estudyante ay gagamit ng dahas, mananakit, magdadala ng patalim o baril, mag-aaksaya ng oras sa paggawa ng bomb threat jokes o pranks, o patuloy na mambubully ng kaklase, hindi natin ito papalampasin. Ipatutupad natin ang pinakamabigat na parusa kabilang ang pagpapatalsik sa paaralan at direktang pag-turnover sa mga awtoridad,” giit ni Angara.
Nilinaw ng DepEd na sa ilalim ng non-readmission, hindi na papayagang mag-enroll ang estudyante sa susunod na taong panuruan ngunit tatapusin nito ang kasalukuyang taon. Sa exclusion naman, agad na tatanggalin ang mag-aaral sa talaan ng paaralan at ipagpapatuloy na lamang ang kanyang pag-aaral sa pamamagitan ng mga alternative educational interventions. | via DepEd Press Release