Photo courtesy of PUP Sining-Lahi Polyrepertory
“Sino ang nagtatakda ng mga bawal? At sino ang may karapatang magsabi kung ano ang tama?”
Ito ang mga tanong na nais iharap ng Sining-Lahi Polyrepertory (SLP) sa pagtatapos ng kanilang ika-44 na theater season sa pamamagitan ng triple-bill production na Orasho Empirata. Tatlong magkakaibang kuwento ang magsasama upang hamunin ang mga paniniwala at pamantayang ipinapasa sa bawat henerasyon.

Sa panayam ng programang Iskultura, sinabi ni SLP Artistic Director Istifen Dagang Kanal na tungkulin ng mga artista ng bayan na bigyang-boses ang mga kuwento ng marginalized sector at mga isyung kanilang kinakaharap.
Tampok sa produksyon ang “Sa Babaeng Lahat” ni Elise Santos, “Mga Halimaw Rin Kami” ni Jules Pamisa, at “Anino ng Pagtubos” ni Aldrine Anzures. Naitanghal na ang mga piyesang ito sa Virgin Labfest at kinilala sa Carlos Palanca Memorial Awards for Literature at ngayon ay muling bibigyang-buhay ng SLP sa entablado.
Sa “Sa Babaeng Lahat,” tatalakayin ang karanasan ng kabataan sa usapin ng pananampalataya at sekswalidad. Sa “Mga Halimaw Rin Kami,” gagamitin ang mga halimaw at katatawanan upang ipakita na maaaring ang tao mismo ang tunay na halimaw. Samantala, sa “Anino ng Pagtubos,” susundan ang kuwento ng isang hitman at ang kanyang pagharap sa mga desisyong moral sa gitna ng karahasan.

Sa kabila ng mga hamon sa mga estudyanteng artista at direktor gaya ng limitadong oras, resources, at budget sa paghahanda ng produksyon, sama-sama nilang binuo ang pagtatanghal mula sa pag-aaral ng mga karakter hanggang sa paggawa ng props.
Para sa SLP, higit pa sa pag-arte ang teatro. Isa rin itong paraan upang bigyang-buhay ang mahahalagang kuwento sa ating lipunan na madalas na hindi pag-uusapan.
Mapapanood ang Orasho Empirata sa mga sumusunod na schedule:
September 2, 2026 at September 3, 2026 – 12:00 NN | 3:00 PM
Bulwagang Balagtas, Polytechnic University of the Philippines (PUP)
September 10 hanggang September 12, 2026 – 1:00 PM | 5:00 PM
Tanghalang PUP, College of Communications (COC) Building
Maaaring mag-pre-register sa official Google Form ng produksyon upang makumpirma ang iyong slot.
Ang Sining-Lahi Polyrepertory ay ang resident student theater organization ng PUP sa ilalim ng University Center for Culture and the Arts.