Inatasan ng Philippine National Police (PNP) ang mga police commander na paigtingin ang seguridad sa mga pumping station at iba pang flood-control facility.
Ito matapos manakaw ang mga kagamitan para sa pagkontrol ng baha sa Metro Manila.
Ayon kay PNP Chief PGEN Jose Melencio Nartatez Jr., inatasan ang mga himpilan ng pulisya na makipag-ugnayan sa MMDA, DPWH, mga local government unit, at mga operator ng pasilidad para tiyakin ang seguridad ng mga kritikal na imprastraktura, lalo na sa mga lugar na madalas bahain.
Kasunod ito ng pagnanakaw ng walo hanggang 10 metro ng grounding cable sa Navotas pumping station, na dahilan ng hindi paggana nito sa gitna ng matinding pagbaha.
Natukoy naman ng Navotas police ang isang suspek na patuloy pang hinahanap.
Binigyang-diin ni Nartatez na hindi ordinaryong property crime ang mga insidenteng ito dahil nailalagay nito sa panganib ang buhay at ari-arian. Papanagutin aniya sa ilalim ng batas hindi lang ang mga nagnanakaw kundi pati ang mga bumibili ng ninakaw na kagamitan.