Mahigpit na binabantayan ng Office of Civil Defense (OCD) at ng Environmental Management Bureau (EMB) ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang sitwasyon ng air quality sa ilang lugar sa bansa na naaapektuhan ng haze.
Ayon kay OCD Deputy Administrator Bernardo Rafaelito Alejandro IV, kabilang sa mga apektado mula pa kahapon ang NCR, Calabarzon at Mimaropa.
Batay sa obserbasyon, posibleng kaugnay ang haze ng usok mula sa mga forest fire sa Indonesia na nadala patungong Pilipinas.
Pinapayuhan ng OCD ang publiko na iwasan ang matagal na pananatili sa labas, lalo na ang mga bata, matatanda, at may respiratory at cardiovascular conditions.
Hangga’t maaari ay manatili sa loob ng bahay, magsuot ng N95 mask kapag lalabas, at gumamit ng headlights o foglights kapag magmamaneho sa gabi. Nagbabala rin si Alejandro na maaaring magdulot ang haze ng hirap sa paghinga, pag-ubo, pananakit ng dibdib, at iba pang respiratory diseases.