Inihahanda ng Department of Agriculture o DA ang pagtatayo ng mga cold storage at processing facilities para maisalba ang mga ani ng mga magsasakang napipilitang itapon o iwan ang kanilang produkto dahil sa mababang presyo at kakulangan sa storage.
Sa budget hearing ng DA sa Kamara, sinabi ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na kabilang sa mga hakbang ng ahensya ang pagtatayo ng limang mega cold storage at processing center sa Benguet State University, na magsisilbing hanggang 15 araw na buffer stock para sa high-value crops at excess production.
Ayon kay Laurel, bahagi rin ng network ang food hub sa Clark na nakatakdang ipa-bid ngayong Setyembre, na may pondong ₱2 bilyon, gayundin ang ₱500 milyong mega cold storage facility sa FTI sa Taguig.
Layunin aniya ng mga pasilidad na magsilbing “shock absorber” sa sektor ng agrikultura upang matugunan ang biglaang pagtaas o pagbaba ng produksyon, pati na ang epekto ng mga weather disturbance sa suplay at presyo ng mga produkto. | ulat ni Kathleen Forbes