Labis na ikinadismaya ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon ang pagnanakaw ng specialized na kable sa Sunog Apog Pumping Station sa Tondo, Manila, na naging dahilan ng pagkasira ng operasyon ng pagbomba ng tubig at abot-bewang na baha sa lugar.
Nagbanta na rin si Dizon na hindi nito palalampasin ang nasabing akto ng pagnanakaw lalo pa’t malaki ang idinulot na perwisyo ng hindi paggana ng nasabing pumping station.
Alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., ipinag-utos na ng kalihim ang mahigpit na seguridad sa pumping stations sa tulong ng Philippine Coast Guard para mabantayan nang maigi ang pasilidad at hindi na maulit ang insidente ng nakawan.
Babala pa ng kalihim sa mga nagnanais pang gumawa ng kaparehong akto ng pagnanakaw na huwag nang ituloy ito dahil tiyak na pananagutin sila ng gobyerno.