Pumalo sa mapanganib at “acutely unhealthy” na antas ang kalidad ng hangin sa iba’t ibang bahagi ng Metro Manila nitong gabi ng Lunes, Agosto 31, kasunod ng pagkalat ng haze o makapal na usok na nagmula sa mga sunog sa kagubatan sa Indonesia.
Batay sa datos ng Department of Environment and Natural Resources–Environmental Management Bureau (DENR-EMB), naitala ang pinakamalalang lebel ng Air Quality Index (AQI) sa Don Bosco, Parañaque na umabot sa 270 at Las Piñas na may 205 bago mag-7:00 ng gabi. Ang parehong lebel ay pormal na inuri bilang “Acutely Unhealthy”.
Inuugnay ang AQI sa konsentrasyon ng fine particulate matter o PM2.5 sa hangin—mga napakaliit na particulates na kayang pumasok nang malalim sa baga at nagdudulot ng malaking banta sa kalusugan, lalo na sa mga may umiiral na karamdaman.
Narito ang lebel ng kalidad ng hangin sa iba pang lungsod sa Kalakhang Maynila:
- Acutely Unhealthy:
- Maynila (198)
- Malabon (186)
- Valenzuela (179)
- Quezon City – Ateneo (179)
- Taguig – TUP (176)
- Marikina – Parang (175)
- San Juan (173)
- Muntinlupa – Filinvest City (171)
- Pasay (168)
- Mandaluyong (162)
- Unhealthy for Sensitive Groups:
- Pateros (133)
- Navotas (117)
- Makati (108)
- Fair:
- Quezon City – SMPH Commonwealth (87)
Usok mula Kalimantan, Indonesia
Ayon kay Dr. Gerry Bagtasa, atmospheric physicist at propesor mula sa UP Institute of Environmental Science and Meteorology, nakita sa mga satellite image ang malalaking sunog sa kanluran at timog na bahagi ng Kalimantan, Indonesia.
Paliwanag ni Bagtasa, dahil sa hindi pangkaraniwang direksyon ng hangin, tumawid sa ekwador ang usok patungong Pilipinas at pumasok sa papawirin ng Kalakhang Maynila at mga kalapit na rehiyon.
Babala sa Publiko at Pag-iingat
Dahil sa paglala ng kalidad ng hangin, naglabas na ng Air Quality Advisory ang pamahalaang lungsod ng Quezon City upang paalalahanan ang mga residente, lalo na ang mga vulnerable groups:
- Magsuot ng Face Mask: Pinapayuhan ang mga bata, nakatatanda, buntis, at mga taong may karamdaman sa baga o puso na magsuot ng mask kapag kailangang lumabas ng bahay.
- Manatili sa Loob ng Bahay: Hangga’t maaari, iwasan muna ang matagal na pagtambay o pag-eehersisyo sa labas habang mababa ang kalidad ng hangin.
- Emergency Hotline: Para sa mga emergency at tulong medikal, maaaring tumawag ang mga residente ng Quezon City sa Helpline 122.