Nanatili ang magandang momentum sa performance ng Social Security System o SSS ngayong 2026, kasunod ng matatag na kita at paglago ng mga benepisyo at kontribusyon ng mga miyembro.
Sa ulat ni SSS President and CEO Robert Joseph De Claro, umabot sa P55.5 bilyon ang net revenue ng ahensya mula Enero hanggang Hulyo, na mas mataas kumpara sa P48 bilyon na naitala sa kaparehong panahon noong 2025.
Ayon din kay Finance Secretary at Social Security Commission Chair Frederick Go, nananatili sa mahigit P1.3 trilyon ang reserve fund ng SSS, na magsisilbing pananggalang para sa patuloy na pagbibigay ng pensyon at iba pang benepisyo sa mga miyembro.
Kasabay ng magandang performance ng ahensya, patuloy rin ang pag-alalay nito sa mga miyembro gaya ng sa ilalim ng Enhanced Emergency Loan Program, na nakapaghatid na ng financial assistance sa 700,000 miyembro, na katumbas ng P11.36 bilyon.
Mula Enero hanggang Hulyo 2026, umabot naman sa P205.56 bilyon ang kabuuang benefits payout ng SSS.
Samantala, nakalikom ang SSS ng P235.33 bilyon mula sa member contributions sa parehong panahon.
Kaugnay nito, ilang bagong programa rin ang binabalangkas na ng SSS para dagdagan ang serbisyo para sa mga miyembro.
Kabilang dito ang inilunsad na SSS Micro Loan Program o LoanLite, na nag-aalok ng mas abot-kayang short-term loan.
Kasama rin sa mga inihahandang programa ang Energy Sustainability Loan Program o solar loan, na maaaring bayaran sa loob ng apat hanggang pitong taon, Mandatory Provident Fund Loan at Pensioners Card, bilang bahagi ng patuloy na pagpapalawak ng serbisyo at benepisyo ng SSS para sa mga pensioner.
