Inaprubahan ng Department of Budget and Management (DBM) ang P10.377 bilyon para suportahan ang pagpapatupad ng Zero Balance Billing (ZBB) Program ng Department of Health (DOH).
Layunin nitong mabawasan ang gastusin ng mga pasyente at pamilya sa pagpapaospital, bilang bahagi ng pagsusulong ng Universal Health Care sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Sa kabuuang pondo, P9.377 bilyon ang inilaan para sa mga DOH hospital sa buong bansa.
Kabilang dito ang P3.342 bilyon para sa mga DOH hospital sa Metro Manila, habang P6.035 bilyon naman ang para sa mga DOH regional hospital at iba pang government health facilities sa labas ng Metro Manila.
Samantala, P1 bilyon ang inilaan para sa ZBB sa anim na pilot LGU hospitals sa Benguet, Batangas, Laguna, Quezon, Aklan, at Sarangani.
Ayon kay DBM Acting Secretary Kim Robert De Leon, dapat maramdaman ng mamamayan ang budget ng bayan, lalo na sa panahon na higit nilang kailangan ang tulong ng gobyerno.
Layunin ng Zero Balance Billing na matulungan ang mga kwalipikadong pasyenteng naka-admit sa mga kasaling government hospital na magkaroon ng kaunti o walang natitirang bayarin, alinsunod sa umiiral na mga alituntunin at requirements.
Kukunin ang P10.377-bilyong pondo mula sa FY 2026 General Appropriations Act.
Matatandaang noong unang bahagi ng Agosto, nagpalabas din ang DBM ng P1.855 bilyon para sa Philippine General Hospital, kung saan P800 milyon ang partikular na inilaan para sa Zero Balance Billing.