Dahil sa baha, nananatiling mabigat ang daloy ng mga sasakyan sa ilang bahagi ng North Luzon Expressway partikular sa San Simon ngayong Martes.
Sa southbound, bukas na kaninang alas-5 ng umaga sa lahat ng uri ng sasakyan ang San Simon, San Fernando at Mexico Southbound Toll Plazas. Gayunman, dahil sa water buildup, ang mga Class 1 vehicle ay maaari lamang dumaan sa Lane 1.
Pinapayuhan naman ang mga Class 1 na mga motoristang nagmumula sa SCTEX o TPLEX at patungong Maynila na gamitin ang CLLEX patungo sa Maharlika Highway bilang alternatibong ruta.
Sa northbound, may water buildup pa rin sa lahat ng lanes sa Tulaoc-San Simon at San Simon Interchange, kaya nakararanas ng matinding pagsisikip ng trapiko.
Pansamantalang sarado naman ang Libtong Exit northbound dahil sa pagbaha sa local road.
May naitala ring humigit-kumulang dalawang kilometrong traffic buildup sa Sta. Rita Northbound Exit habang sarado sa lahat ng uri ng sasakyan ang Sta. Rita Northbound Entry.
Pinapayuhan ang mga motorista na maglaan ng dagdag na oras sa biyahe at gumamit ng alternatibong ruta kung maaari.
