Pinaalalahanan ngayon ang mga residente sa Quezon City na magsuot ng face mask kung kinakailangang lumabas dahil sa naitalang “Very Unhealthy” hanggang “Acutely Unhealthy” na Air Quality Index (AQI) sa ilang bahagi ng lungsod.
Batay sa kasalukuyang assessment, maaaring may kaugnayan ang pagtaas ng air pollution sa Metro Manila sa usok o haze mula sa mga patuloy na wildfire sa Kalimantan, Indonesia.
Una nang sinuspinde ng Quezon City Government ang face-to-face classes sa lahat ng public schools ngayong Martes, Setyembre 1, dahil sa hindi magandang kalidad ng hangin.
Ang exposure sa maruming hangin ay maaaring magdulot ng ubo, iritasyon sa daanan ng hangin, at hirap sa paghinga, partikular sa mga may asthma at iba pang respiratory conditions.
Pinapayuhan ang lahat, lalo na ang mga bata, senior citizen, buntis, at may sakit sa baga o puso, na hangga’t maaari ay manatili muna sa loob ng bahay. Kung kinakailangang lumabas, inirerekomendang magsuot ng face mask.