Mula sa pagiging “brownout capital,” opisyal nang naitala ang Occidental Mindoro bilang nangunang lokal na ekonomiya sa buong Pilipinas matapos magtala ng double-digit economic growth na 11.2%.
Batay ito sa pinakabagong 2025 Economic Performance Report na inilabas ng Philippine Statistics Authority (PSA) kamakailan.
Ipinagmalaki ni Lone District Occidental Mindoro Rep. Leody “Odie” Tarriela na ang makasaysayang tagumpay na ito ay higit na mataas kaysa sa 4.4% Gross Domestic Product (GDP) growth ng buong bansa.
Binigyang-diin ni Tarriela na ang naging tunay na “game changer” ay ang personal na pagtutok ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., sa pakikipagtulungan sa Department of Energy (DOE), Energy Regulatory Commission (ERC), National Electrification Administration (NEA), National Power Corporation (Napocor), at OMECO.
Dahil sa pag-ayos ng supply ng kuryente, bumuhos ang pamumuhunan ng pamahalaan at pribadong sektor sa mga kalsada, tulay, ospital, paaralan, pier, at sa bagong 7.4MW solar power plant sa bayan ng San Jose.
Ayon kay Tariela, lumakas ang lokal na negosyo at Micro, Small, and Medium Enterprises (MSMEs) na nagbukas ng maraming trabaho, nagpataas ng purchasing power ng mamamayan, at nagpasigla sa turismo dahil sa mas madaling pagbiyahe at stable na kuryente.
Giit ng mambabatas, pinatunayan ng Occidental Mindoro na kapag nagkaisa ang lehislatura, ehekutibo, at lokal na pamahalaan kasama ang pribadong sektor, kayang baguhin at magtagumpay ang ekonomiya ng isang lalawigan.