Ipinapanukala ni Agusan del Norte Representative Dale Corvera na amyendahan ang Local Government Code para maisama ang lawak ng municipal waters sa pagkuwenta ng National Tax Allotment o NTA ng mga LGU.
Ayon kay Corvera, hindi patas ang kasalukuyang formula dahil land area lamang ang isinasaalang-alang bilang bahagi ng basehan ng NTA.
Sa ilalim ng kasalukuyang formula, 50% ng NTA ay nakabatay sa populasyon, 25% sa land area, at 25% naman sa pantay na hatian.
Sa House Bill 3779, nais ni Corvera na isama ang lawak ng municipal waters kasama ng land area sa 25% ng bahagi ng formula.
Paliwanag niya, hindi na umano sumasalamin sa pagiging kapuluan ng Pilipinas ang kasalukuyang sistema dahil may malawak na karagatan ding sakop at responsibilidad ang mga coastal LGU.
Giit ni Corvera, mas napapaboran ng kasalukuyang formula ang mga landlocked LGU na walang municipal waters na kailangang pangalagaan at pamahalaan.
Aniya, hindi naman humihingi ng mas malaking bahagi sa national budget ang mga coastal LGU, kung hindi patas na paraan lamang ng pagkukuwenta ng kanilang NTA share.