Nanawagan ang PNP-Anti Cybercrime Group sa mga mambabatas na amyendahan na ang SIM Card Registration Act, sa gitna ng patuloy na pagdami ng mga text at iba pang scam.
Sa pulong balitaan sa Camp Crame, sinabi ni ACG Director PMGen. Wilson Asueta na hindi epektibo ang implementasyon ng nasabing batas, gayong halos lahat ng cybercrime ay nagsisimula sa SIM card.
Ginawa ni Asueta ang pahayag matapos ang isang entrapment operation sa Bulacan kung saan naaresto ang isang 26-anyos na lalaki na kilala sa alyas na “Junel.” Nagbebenta umano ito ng mga registered SIM card sa social media, at 400 na registered SIM card ang nakumpiska sa kanya.
Nakatulong naman aniya ito, pero kailangang dagdagan ng mga bagong probisyon ang batas.
Kabilang sa kaniyang panukala ang identity authentication gamit ang national ID, at saka lang dapat ma-activate ang SIM card matapos ang matagumpay na registration.
Ayon kay Asueta, hindi rin dapat basta maipasa sa iba ang registered SIM nang walang dokumentasyon at dapat may cancellation muna bago ang replacement.
Samantala, nais din niyang limitahan sa lima ang SIM card ng bawat tao sa lahat ng telco.
Batay sa datos ng ACG, mula January 1 hanggang July 31, 2026, umabot sa 5,231 ang naitalang kaso ng cybercrime kung saan 576 dito ang online scams.
Nakapagsagawa naman ang ACG ng 818 operasyon na nagresulta sa pagkakaaresto ng 766 na indibidwal.