Makikipag-ugnayan ang Malacañang sa Climate Change Commission para sa pagpapalawak ng awareness ng mga Pilipino sa patuloy na pagbabago ng panahon, at kung paano ito matutugunan.
Pahayag ito ni Communications Undersecretary Claire Castro, kasunod ng sinabi ng komisyon na tila, hindi sila pinakikinggan ng ibang mga ahensya ng gobyerno, at mayroong mga polisiya pantugon sa Climate Change, ang hindi naipatutupad.
Ayon sa opisyal, ang usapin sa Climate Change ay reyalidad na sa kasalukuyan, at hindi na lamang subject o usapin sa loob ng paaralan.
Sa pulong sa Palasyo, binigyang-diin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pangangailangang paghandaan ang mas matitinding epekto nito, kabilang ang walang humpay na malakas na pag-ulan, biglaang buhos ng tubig, at pagbaha a pagguho ng lupa.
Nais aniya ni Pangulong Marcos na mas maunawaan ng publiko at mga ahensya ng gobyerno ang epekto ng climate change at matiyak na naipatutupad ang mga polisiya at batas na mayroong kaugnayan dito.
Kabilang dito ang no-build zones at pagpapanatiling bukas ng mga lugar na nagsisilbing daluyan o imbakan ng tubig-ulan.