Suportado ng Department of Agriculture o DA ang pansamantalang pagbawas o suspensyon ng 12% value-added tax o VAT at excise tax sa mga produktong petrolyo sa panahon ng matinding pagtaas ng presyo ng langis.
Ito ang sinabi ni House Committee on Appropriations Vice Chairperson Anna York Bondoc, budget sponsor ng DA, sa pagtalakay ng panukalang 2027 budget ng kagawaran sa Kamara.
Nausisa kasi ni Gabriela Party-list Rep. Sarah Elago ang ahensya kung ano ang mga hakbang nito para matulungan ang mga magsasaka at mangingisdang apektado ng sunod-sunod na oil price hike.
Sa opisyal na posisyon ng DA na binasa ni Bondoc, sinusuportahan ng ahensya “in principle” ang pansamantalang suspensyon o pagbawas ng VAT at excise tax sa produktong langis kapag umaabot sa “exceptionally high” ang presyo ng mga ito.
Isinama na rin umano ng DA ang fuel assistance sa Quick Response Fund o QRF at naghahanap pa ng karagdagang pondo para rito.