Tiniyak ng Department of Education (DepEd) na paiigtingin nito ang pagtatatag at pagpapalakas ng mga Child Protection Committees (CPC) sa mga paaralan sa bansa.
Ito ang tugon ni House Committee on Appropriations Vice Chairperson at DepEd budget sponsor Maricar Zamora nang mausisa ni APEC Party-list Representative Sergio Dagooc ukol sa pagpapalakas ng CPC.
Kasunod na rin ito ng mga insidente ng karahasan sa mga paaralan.
Ani Dagooc, apat sa kanyang mga apo ang kasalukuyang nag-aaral kaya nakababahala para sa kanya ang usapin ng school safety.
Ayon kay Zamora, bagama’t inaatasan ang lahat ng paaralan na magtatag ng CPC, nasa 33,000 pa lamang ang “functional” na CPC sa ngayon.
Pero giit niya na committed ang DepEd na paiigtingin ang implementasyon ng programa, partikular ang pagtatatag ng mga CPC sa mga paaralan.
Ang CPC ay bahagi ng Child Protection Policy ng DepEd sa ilalim ng DepEd Order No. 40, series of 2012, na nagmamandato sa mga paaralan na magtatag ng Child Protection Committee at magpatupad ng mga intervention para sa proteksyon ng mga bata.