Natukoy na ng Philippine National Police (PNP) ang magkapatid na lalaki na 26 taong gulang at 18 taong gulang na nasa likod ng mga online threat sa ilang paaralan sa Lipa, Batangas.
Sa pulong balitaan sa Camp Crame, sinabi ni PNP Spokesperson PCol. Allen Rae Co, na na-trace ng mga awtoridad ang pinagmulan ng mga banta.
Kaninang umaga, ipinatupad ang Warrant to Search, Seize and Examine Computer Data, kung saan nakumpirmang sa magkapatid nanggagaling ang mga banta.
Nakumpiska sa kanila ang dalawang cellphone at isang tablet na isasailalim sa pagsusuri.
“Fair warning again as we keep on saying sa PNP, we will find you. Hindi kami titigil para hanapin kayo. ito kasi ay alarming na nagiging trend at dagdag pa pala sa ginawa nila ay ito ay wala silang reason kungdi in street parlance ay trip lang nila ito,” ani Co.
Nagsimula umano ang mga banta noong Agosto sa isang paaralan kung saan nag-aaral ang nakababatang kapatid.
Nang maramdaman umano nilang malapit na silang matukoy, sa ibang paaralan naman sila nagsimulang magbanta.
Sinabi naman ni Co na walang kakayahan ang magkapatid na isakatuparan ang mga banta, dahil wala silang access sa baril o pampasabog at layon lang talaga nilang manakot. Sa ngayon, nahaharap ang mga suspek sa kasong alarm and scandal, grave threats, at paglabag sa anti-bomb joke law kaugnay ng Cybercrime Prevention Act.