Pinag-iingat ang mga residente na nakatira sa paligid at baybayin ng Laguna de Bay dahil lumampas na sa kritikal na antas ang lebel ng tubig sa lawa.
Pinayuhan ang publiko na maghanda sa posibleng pagbaha at manatiling nakatutok sa mga opisyal na abiso, lalo na kung magpapatuloy ang malalakas na pag-ulan.
Batay sa water level advisory ng Laguna Lake Development Authority (LLDA), umabot sa 12.67 meters ang kasalukuyang average water level ng Laguna de Bay alas-10 ng umaga ngayong Setyembre 1.
Mas mataas ito sa 12.50 meters na itinakdang critical high threshold ng lawa.
Ayon sa LLDA, dulot ito ng patuloy na malalakas na pag-ulan na dala ng Habagat at Low Pressure Area.
Pinapayuhan ang mga residente na mahigpit na sumunod sa mga abiso at evacuation protocol ng kanilang lokal na pamahalaan kung kakailanganing lumikas.