Photo courtesy of DepEd
Inanunsyo ng Department of Education (DepEd) na itutuloy sa September 3 ang National Simultaneous School Safety Drill na nakatutok sa kahandaan ng mga paaralan sakaling magkaroon ng active threat.
Ayon sa DepEd, bunga ang na-reschedule na drill ng pakikipag-ugnayan sa Philippine Psychiatric Association, Philippine Society for Child and Adolescent Psychiatry, at Philippine Pediatric Society.
Layon nitong matiyak na ang mga safety protocol ay batay sa pamantayang nakatutok sa bata at trauma-informed sa ilalim ng “Do No Harm” directive.
Binigyang-diin ni Education Secretary Sonny Angara na prayoridad ang pisikal na seguridad at mental health sa mga patakaran ng paaralan.
Ayon kay Angara, layon ng drill sa September 3 na makabuo ng muscle memory sa mga kalahok sa pamamagitan ng maayos na orientation, at hindi sa pamamagitan ng takot.
Bago ang pagsasanay, magsasagawa ng mga paghahanda ang mga kalahok na paaralan, kabilang ang capacity-building training para sa mga guro at orientation para sa mga mag-aaral.
Kinakailangan ding kumuha ng letter of permission mula sa mga magulang at pagsang-ayon ng mga mag-aaral bago sumali sa drill.
Mahigpit namang ipinagbabawal sa drill ang mga elementong masyadong makatotohanan o nakapagdudulot ng takot, gaya ng threat simulation, role-player na agresor, at mga graphic na elemento tulad ng baril, paputok, at kunwaring sugatan.
Matapos ang drill, magbibigay ng Psychological First Aid at debriefing session ang mga guidance personnel at school health officer.