Photo courtesy of DA-PhilRice
Nagmumungkahi ang administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ng ₱69.9 bilyong pondo para sa tatlong pangunahing rice programs sa 2027, upang palakasin ang lokal na produksyon ng bigas, pataasin ang kita ng mga magsasaka, at mapanatiling abot-kaya ang bigas para sa mga Pilipino.
Sa ilalim ng proposed 2027 National Expenditure Program, ₱29.9 bilyon ang ilalaan sa National Rice Program, ₱30 bilyon sa Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF), at ₱10 bilyon sa Rice-for-All Program.
Ang ₱29.9 bilyong National Rice Program ay tutulong sa pagbibigay ng de-kalidad na binhi, farm inputs, extension services, at makabagong teknolohiya para mapataas ang produksyon at kita ng mga rice farmers.
Samantala, ang ₱30 bilyong RCEF ay gagamitin para mapalakas ang productivity at competitiveness ng mga magsasaka. Kabilang dito ang P9 bilyon para sa farm machinery at equipment, ₱6 bilyon para sa rice seed development, at ₱15 bilyon para sa training, financial assistance, credit, irrigation, soil health, pest management, at iba pang suporta sa mga magsasaka.
Ang RCEF ay pinalawig hanggang 2031 sa ilalim ng Republic Act 12078, at ang taunang pondo nito ay itinaas mula ₱10 bilyon tungo sa ₱30 bilyon, na kukunin mula sa lahat ng taripa na nakokolekta sa rice importation.
Samantala, ₱10 bilyon ang nakalaan para sa Rice-for-All Program, na magdadala ng abot-kayang bigas sa mga Pilipino sa pamamagitan ng KADIWA Centers at iba pang accredited facilities sa buong bansa.
Ayon kay DBM Acting Secretary Kim Robert De Leon, bahagi ito ng mas malawak na food security agenda ng administrasyon, na nakatuon sa pagpapataas ng productivity at kita ng mga magsasaka at mangingisda.
Sa kabuuan, layunin ng ₱69.9 bilyong investment na produksyon ang palakasin, mga magsasaka ang suportahan, at abot-kayang bigas ang mas mailapit sa mga pamilyang Pilipino.
Nananatiling pangunahing prayoridad ng administrasyon ang food security, kasabay ng layuning makamit ang zero hunger pagsapit ng 2030.