Inatasan ng National Water Resources Board ang mga water utility na magbigay ng agarang tulong sa mga komunidad na naapektuhan ng pagbaha dahil sa habagat.
Ayon kay NWRB Executive Director Dr. Sevillo David Jr., inatasan ang mga water provider na agad i-report sa NWRB ang sitwasyon ng suplay ng tubig at tugunan ang mga problema sa availability nito.
Kabilang din sa direktiba ang paghahatid ng ligtas na inuming tubig sa mga evacuation center at apektadong komunidad.
Maaari ring mag-deploy ng mobile o portable water treatment facilities kung kinakailangan at available.
Inatasan din ang mga water provider na makipag-ugnayan sa mga LGU, NDRRMC at iba pang response agencies para matukoy ang mga lugar na nangangailangan ng agarang water assistance.
Mananatili ang direktiba hanggang sa maibalik ang normal na operasyon ng mga water utility sa mga apektadong lugar.