Binigyan ng Department of Human Settlements and Urban Development ng 30 araw ang mga regional office nito para resolbahin ang mga nakabinbing reklamo ng homebuyers laban sa mga developer, pati ang mga isyu ng homeowners associations.
Ayon kay DHSUD Secretary Jose Ramon Aliling, paiigtingin ng ahensya ang paglutas sa mga hinaing sa pamamagitan ng mass conciliations sa lahat ng rehiyon.
Inatasan din ang mga regional director na magsumite ng imbentaryo ng lahat ng pending complaints at mga dahilan kung bakit hindi pa nareresolba ang mga ito.
Kabilang sa mga prayoridad na lugar ang CALABARZON, National Capital Region at Central Luzon.
Bahagi ito ng Zero Backlog Program ng DHSUD, na naglalayong alisin ang mga naantalang regulatory concerns at mapabilis ang serbisyo publiko.
Ayon kay Aliling, alinsunod ito sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na pabilisin at gawing malinis ang paghahatid ng serbisyo sa publiko.
